23 November 2011

PAA


...tumayo sa sarili kong paa


"Ako ay OFW dahil sa kagustuhan kong tumayo sa aking sariling mga paa at sa paghahangad din na matupad ang pinapangarap na marangyang buhay”



       ANO ANG BUHAY MO SA PILIPINAS NOON?
        Lumaki ako na may masayang pamilya, kumakain ng 3-5 na beses sa isang araw, nakukuha ang bawat magustuhan na bagay damit laruan at iba pa, may kungkretong bahay kami sa probinsya, nakapagtapos ng pag-aaral na hindi inisip kung papano magkakaroon ng pangmatrikula sa eskwela, at nakapagtrabaho naman kaagad pagkatapos ko matapos ang kurso ko sa kolehiyo . Sa makatuwid wala na akong hihilingin pa lahat ay nandyan na. 
 
       ANONG NAGTULAK SA'YO NA MANGIBANG BANSA?
        Nasabi ko nga wala na ako hihilingin pa sa buhay ko pero bakit ako nagpasya na mangibang bansa? Ito ay dahil siguro na rin sa kulturang pinoy lahat tayo ay nangangarap na mangibang bansa upang kumita ng higit pa sa kikitain natin sa Pilipinas lalo na kung wala naman tayong negosyo sa pilipinas. Sa katunayan nga naranasan ko ang marangyang buhay dahil sa aking Amang nangibang bansa. Isa pang dahilan ay sa kagustuhan ko ring tumayo sa sarili kong mga paa hanggang makamit ko ang pinapangarap kong marangyang buhay na galing sa aking pinagpaguran. 

       PAANO KA NAPUNTA SA BANSANG PINAGTA-TRABAHUHAN MO NGAYON?
        Nagsimula ang lahat sa isang munting pangarap na di ko akalain ay kaya ko plang abutin.  Marami akong pinagdaanan bago ko napagtagumpayan ang narating ko. Maraming beses ako natalo sa  laban ng buhay ko patungo sa tugatog ng tagumpay. Maraming sakit at luha ang naging puhunan ko ngunit sa kabila ng lahat naghari pa rin ang paniniwala ko na mkakamtan ko ang inaasam-asam ko sa tulong na rin ng inspirasyon ko sa buhay ang aking pamilyang naniniwalang mapapagtagumpayan ko itong laban na ito. Sila ang nagsilbing taga hilom  sa mga sakit na naransan ko at hugutan ng lakas ng loob upang hindi sumuko sa laban. Higit sa lahat ang Panginoong Diyos ay nandyan siya ang naging tanglaw ko patungo sa tugatog ng tagumpay. Dahil na rin siguro sa kinamulatan ko nun bata pa ako ano man ang gustuhin ko nakukuha ko kaya siguro ganon nalang ako kadeterminado na makapangibang bansa.  Sabi nga nila “Pag may tiyaga may nilaga”.

       ANO ANG BUHAY MO SA KASALUKUYAN?
        Masaya!  Yan na siguro ang pinaka saktong salita na makakapaglarawan ng buhay ko sa kasalukuyan. Nakamit ang pinangarap na trabaho, may maayos na sweldo, nakakatulong sa pamilya at mga kamag-anak, napapadpad sa iba’t ibang bansa, patuloy na dumadami ang kaibigan,  at napakasarap sa pakiramdam dahil iniidolo ako ng mga kapatid ko at mga kaibigan kong nais din makamit ang tagumpay na nakuha ko. Binata pa naman ako sa ngayon kaya ganyan ang istilo ng pamumuhay ko.

      MAY PAGSISISI KA BA SA PAGIGING OFW?
       Wala akong pinagsisisihan sa pagiging OFW dahil ito ay matagal ko nang ninais na makamtan. Masarap sa pakiramdam ang nakamit ang tagumpay lalo na’t ito’y pinagsikapan mo at walang tumulong sayo. Kahit malayo sa pamilya at nakagisnang buhay sa Pilipinas.

      PAANO KA NAKAKA COPE-UP SA KALUNGKUTAN?
       Isa sa mga katangian ko ay ang nakakakilos at nakakapamuhay ng mag-isa .  Mababaw lang naman ang kaligayahan ko parati lang ako nasa bahay makaramdam man ng lungkot nakakapamasyal ako mag-isa, nkakapanood ng sine mag-isa at nakakakain mag-isa.  Isa sa mga pinaghuhugutan ko ng lakas ng loob sa kasalukuyan ay ang aking mga kaibigan simula nun dumami ang mga kaibigan ko dito sa bansang kinalalagyan ko mas lalo ako naging masaya nandyan sila para patawanin ka at damayan ka. Sa makatuwid nagkaroon ako ng pangalawang pamilya.

      HANGGANG KELAN KA MAGIGING OFW?
       Syempre hindi rin naman pang habang buhay ang pagiging OFW. Para sa akin pag nakaipon na ako ng sapat para sa pangarap kong bahay at negosyo tsaka ko babalikan ang Pilipinas. Pinakamatagal na siguro ang walo hanggang sampung taon sa kasalukuyan halos nakakatatlong taon na ko sa pagiging OFW.

      ANO ANG PLANO MO PAGNAG FOR GOOD KA NA SA PILIPINAS?
       Magkaroon ng negosyo at sariling bahay ang pinaplano kong ipundar pag-uwi ko ng Pilipinas. Ito ang pangalawa sa malaking pangarap ko sa buhay.

     ANO ANG PINAKA DI MO MALILIMUTANG KARANASAN SA PAGIGING OFW?
      Una sa lahat ay ang pakikisalamuha at pakikisama sa mga iba’t ibang lahi na nanggaling sa iba’t ibang bansa.  At higit sa lahat ay mga pagkakataon na nakakabyahe sa iba’t ibang bansa.

      ANO ANG MAIPAPAYO MO SA KAPWA MO OFW?
       Sa mga kapwa ko mga OFW una sa lahat ay pahalagahan natin ang mga biyayang natatanggap natin. Wag nating kalimutan na lumingon sa ating pinang-galingan lalo na sa ating mga magulang na nagtaguyod sa atin. Sana rin ay wag nating tapakan ang mga kapwa Pilipino na nakakasalamuha natin sa mga bansang kinalalagyan natin. Magkaisa tayo mga kabayan. At higit sa lahat irespeto natin ang pamilya ng bawat isa wag sana nating sirain ang pamilya ng ibang mga Pilipino. Di na po ako magpapaligoy ligoy pa nanawagan po ako sa mga nagpapanggap na binata at dalaga kayo ang pinatutungkulan ko magkaroon po sana tayo ng takot sa Diyos. Pagyamanin ninyo ang sarili ninyong pamilya.  

HENDRIX PELOVELLO, QATAR AIRWAYS

No comments:

Post a Comment